Tuesday, June 29, 2010

Simulan natin dito

Nasasayang ang isang araw na holiday ko dahil sa dami ng dapat gawin, hindi ko magawang isipin kung ano nga ba ang dapat unahin. Lagpas kalahati na ng araw pero halos wala pa akong nasisimulan. Natutuwa ako sa tuwing natatambakan ako ng mga kailangang gawin. Pakiramdam kong punong-puno pa ang buhay. Kaso minsan, nakakalunod rin. Lalo na pag nadidikit na sa deadline. So saan ko sisimulan?

Binalak kong magpuyat kagabi. Nag-alarm din ako ng ilang beses pero lagi’t laging bumabagsak sa kama ang katawan ko. Lagi’t laging nauuwi ang mga readings sa panaginip. Lagi’t laging na-reresechedule ang mga plano. Nagsisimula na kong mafrustrate at mapressure. Sana tumalab na ‘to.

Aksidente lang ang pagkakapanood ko sa inaugural ni Noynoy. Wala talaga sa plano ko yun. Hindi dahil sa anopaman kundi dahil hindi lang talaga ako interesado. Pero nang mapanood ko, natuwa na rin ako. At least may bago na kong reason sa pagmu-move ulit ng mga dapat kong gawin.

Hindi si Noynoy ang binoto ko.

Sa mga kandidato noon, alam kong siya ang may pinaka-‘walang ambisyon’ sa posisyon. Nagkataon lang. Iyon na siguro ang pinakagusto ko sa kanya. Hindi siya nagpamalas ng kagutuman sa kapangyarihan. Hindi katulad ng ibang nagkaposisyon na sa kapal ng mukha papatusin kahit ang mas mababang posisyon basta di lang mawalan ng kapangyarihan. Anong silbi ng kapangyarihan kung wala ka na namang dignidad?

Pero kahit ok sana si Noynoy, naniniwala akong wala pa rin siyang sapat na kakayahan. Isa pa, masyadong marami ang nakakaimpluwensya sa kanya. Kung ano ang kalakasan niya, iyon din ang kahinaan. Wala siyang ambisyon sa posisyon kaya hindi niya ito napaghandaan. Wala siyang masyadong alam kaya hindi pa siya expert sa korapsyon.

Pero sa bagay, wala namang perpekto. At wala rin akong interes suriin ang pagkatao at kakayahan ng bagong pangulo. Nakakatuwa lang kasi ang speech niya.

Una sa lahat, napabilib niya ako sa paggamit ng Filipino. Hindi ko yata napanood ang inaugural speech ng mga nakaraang pangulo kaya hindi ko maikumpara. Pero sa mga SONA, alam kong madalas ang Ingles. Sino bang kinakausap ng mga Pinunong Pilipino na nag-i-Ingles?

Nabanggit nga ng prof ko sa Socio, mapapansin daw na sa kampanya, lahat ay nagfi-Filipino pero sa mga speech at session sa kongreso at senado, Inglesan na sila ng Inglesan. Nagkakaroon nang malaking dibisyon sa pamagitan ng mga tagapagsalita at nakikinig. Ang mga nakakapag-usap lang ay ang mga nagkakaintindihan.

Bias ako sa Filipino. Pero pangangatwiranan ko ang pagka-bias na ‘to. May sitwasyon na kinakailangang gamitin ang isang partikular na wika. Mahusay na instrumento ang wikang Ingles kung ang pag-uusapan ay ang pakikipag-ugnayan natin sa pandaigdig na komunidad. Isang malaking kalakasan ng maraming Pilipino ang pagiging magaling sa Ingles. Bukod sa malaki ang porsyento ng trabaho sa mga call center at malaki rin ang populasyon ng mga OFWs, nagagamit natin ang Ingles sa pakikipag-usap sa dayuhan. Kapag may international conventions, madali tayong nakaka-agapay. Kapag may foreigner na dumalaw sa Pilipinas, madali nating maituturo ang direksyong kailangan nila (lalo pa’t napakamatulungin natin=).

Marami pang ‘praktikal’ na gamit ang Ingles. Pero mananatiling pangalawa o pangatlo lang ito sa mga wikang magagamit natin sa ‘praktikal’ na pangangailan.

Mas formal daw pag Ingles. Mas intellectual. Mas sophisticated. Wika daw kasi ng mayayaman, may pinag-aralan, may kapangyarihan.

Marahil mababaw ang kaalaman ko sa mga paliwanag na susuporta sa ganitong mga nosyon (dahil bias nga ako). Pero ito kasi ang laganap. At kadalasan, tinatanggap natin ang mga laganap nang di na humahanap pa ng rason. Parang naging common sense na.

Anong meron sa istruktura ng wikang Ingles ang nagpapapormal dito? Tunog? Bokabularyo? Morpolohiya? Bigyan muna natin ng kahulugan ang pagiging pormal. Ang pormal mula sa salitang ugat na porma o anyo ay maaaring ikawing sa mga termino seryoso, sistematiko, maaayos ang anyo o daloy, at mga katulad na termino. Pero gaya ng maraming pang-uri, subhetibo ito. Ang isang lipunan ang nagtatakda kung ano ba ang pormal at hindi pormal. Bakit hindi tinitingnan ng karamihan na pormal ang Filipino? Marahil dahil madalas itong ginagamit sa mga di pormal na usapan. Marahil. Pero duda rin ako. Dahil kung ganito ang dahilan, ang ibig sabihin lang ay hindi nila alam ang wikang Filipino.

Maaari ring dahilan na mas mahirap ang Ingles kaya mas pormal. (ewan ko kung kanino ko to napulot=) Mas mahirap siguro dahil ang batang estudyante na tinatanong ng titser ay nahihiyang magtaas ng kamay dahil natatakot siyang baka pagtawanan ang mali niyang Ingles. Pero kung titingnan ang kalakhan ng mga Pilipino, iilan lang ang makakapagpahayag ng sarili ng diretsong wikang Filipino. Iyon ay kung alam na nga nila ang wikang ito. Ang hirap rin kasi, kakaunti ang mga diksyunaryo, gramatika, at iba pang reference para sa wikang Filipino. Bukod dito, hindi pa matapos-tapos ang mga pagtatalo sa tatanggaping “wikang Filipino.” Iba-iba ang pamantayan kaya nalilito lang ang mga sumusubok matutuhan ang wikang ito.

Sa pagiging wika ng mayayaman, may pinag-aralan, at may kapangyarihan, medyo makakakuha pa tayo ng paliwanag. Dito kasi may grupo ng tao ang nakakaimpluwensya sa imahe ng wikang ginagamit nila. Wika ito ng mga may pinag-aralan dahil ayon sa EO 210, dapat Ingles ang medium of instruction. Bakit? May mga nagsasabing mas madaling ipaliwanag ang scientifc at mathematical terms kapag Ingles ang ginamit. Sasang-ayon ako na hindi ko alam ang Tagalog na inertia, geometry, scientific method, algebra, fraction, at marami pang iba. Pansinin, ginamit ko ang wikang “Tagalog,” dahil sa wikang Filipino, pasok lahat ng mga salitang ito. Maaaring mahihirapang humanap ang ilang Ingles na salita na katumbas ng katutubong wika, pero wikang Filipino ay bukas sa impluwensya ng lahat ng wika. Nararapat lang itong pagyamanin at higit sa lahat gamitin.

Hindi tumatalino ang batang tinuturuan sa Ingles (take note, hindi ko rin sinasabing bumobobo sila). Ang Ingles ay wika. Pamamaraan ng pagpapahayag ng sarili, damdamin, kaalaman, at iba pa. Pamamaraan o medium. Hindi ito ang mismong laman.

Kung gayon, ano kaya ang mas mainam? Ang isang batang tinuturuan ng one apple plus one apple equals two apples, o ang isa pang batang pinapaliwanagan na ang isang mansanas na dinagdagan ng isa pang mansanas ay magreresulta sa dalawang mansanas. Ano nga kaya? Ewan. Bias ako e.


Ooopz...nasa 3rd page na ko nang maalalang si Noynoy nga pala ang topic ko. Balikan natin ang speech ni Noynoy.

Bukod sa natuwa ako sa wika niya, maganda rin naman ang mga sinasabi niya (kahit pa inaasahan naman talaga ng lahat na dapat maganda talaga ang sabihin niya). Kaugnay mula sa wika, napansin ko lang na hindi siya gaanong nakapag-pa-impress. Ewan ko kung sadya o hindi pero maganda rin ang ganoon. Nauubo siya sa isang bahagi ng pananalita. May parteng nabulol siya. At may mga wrong timing na pasok (Papalakpak pa lang ang mga tao, sinimulan na niya muli ang pagsasalita). Mga bloopers pero nakakatuwa imbes na nakakatawa. Hindi perpekto ang pangulo natin ngayon. Kahit pa langit ang pinapangako niya, sinasabi ng kilos niya na hindi siya anghel, bagkus tao lang. Tao lang rin gaya ng lahat sa atin.

Hindi siya tagapagligtas. Hindi niya magagawang paraiso ang Pilipinas sa loob ng anim na taong panunungkulan (iyon ay kung matatapos nga niya). Duda rin ako sa lahat ng ipinangako niya. Napaka-ideyalistiko. Napakasarap pakinggan. Napakagandang pangarapin.

Sa dami nang kailangan niyang gawin, saan kaya siya magsisimula?

Sa totoo lang, palagay ko nasimulan na niya.

Hindi ko siya binoto noong nakaraang eleksyon pero magtitiwala pa rin ako sa kanya. Iyon ang kailangan ng lahat, magtiwala at makiisa.

Maganda ang speech niya dahil kinausap niya ang mamamayang Pilipino sa wikang lubos nilang naiintindihan. Pinakita niyang hindi siya perpekto pero nangangako siyang gagawin ang lahat. Totoo, pwede pang mangarap. Doon naman nagsisimula. Kung totoong naibalik niya ang pag-asa ng karamihan, magiging masaya akong siya ang nanalo. Ang pag-asa para sa pagbabago ang matagal nang natutulog sa bawat Pilipino. Matagal na tayong sumuko. Matagal na tayong lumalaban para mabuhay na lang at hindi para mabuhay nang mabuti. Nararapat sa mga Pilipino ang buhay na pinakamaginhawa sa sarili nating bansa. Kinakailangan lang nating ipaglaban at pagsumikapan ang nararapat para sa atin.

Tama! Ako man ay ideyalistiko rin. Kaya dapat ko nang gawin ang mga dapat kong gawin=)

No comments:

Post a Comment