Saturday, June 19, 2010

Paghanga[d]

Paghanga(d)
(kung bakit walang pormula ang pag-ibig)

Madaling magustuhan ang isang tao sa panahon ng kalakasan niya. Madali tayong napapahanga ng isang artistang umaarte, ng isang singer na kumakanta, ng isang basketball player na naglalaro. Iba ring ang paghanga sa pagkagusto. Marahil kapag sunud-sunod o sabay-sabay na nakita ang isang tao sa kalakasan niya, madali na siyang magustuhan. Ayon nga sa isang nobela ni Paulo Coelho, magkaiba ang infatuation at love. Ang infatuation daw ay ang pagkagusto sa isang tao kasi nakabuo ka na sa isip mo ng ideal na pagkatao ng taong yun. At magiging love lang yun kapag umabot na sa puntong nasira na ang ideal image na nagawa mo sa utak mo, pero kaya mo pa ring mahalin ang taong yun.

Sa totoo lang, hindi ko alam kung may sapat ba kong kakayahan para makapagsulat tungkol sa pag-ibig. Mas madaling magsulat ng love story kasi kwento naman yun. Kayang kontrolin ang mga tauhan. At ang mahalaga naman sa isang love story ay ang damdamin. Though kailangan din ng logic at common sense, feelings pa rin ang huhusga sa isang magandang love story. Pero kapag isang analysis ang ginawa tungkol sa love, parang ang hirap na. Hindi naman kasi talaga naipapaliwanag yan. Nararamdaman pero hindi naiintindihan.

Pero susubukan ko pa rin. Gusto ko rin malaman kung saan ako tatangayin ng mga halu-halong ideya. Go? Game!

Unahin natin sa limitasyon. Masyadong malawak ang paksa ng ‘pag-ibig’ dahil maraming maaaring patungkulan. Kung tutuusin, isa lang nmn talaga. Nagkakaiba-iba lang kasi iba-iba ang pinaglalaanan at iba-iba ang inaasahang paraan ng pagpapamalas. Piliin natin ang pinaka-nakakakilig at pinakatanggap na maging nakakakilig: ang romantic love. Hindi ako maglilimita sa kasarian o edad. Basta romantic love.

Balikan natin ang intro. Nagsisimula sa paghanga, pagkagusto, saka pagmamahal. Pero hindi ito isang pormula. Dahil wala namang pormula ang pag-ibig. Ayon sa isang chemistry class ko nung undergrad, may love hormones na natitrigger kaya nating nararamdaman ang pag-ibig. May sanhi ang pagkatrigger na ito. Hindi ko layuning ipaliwanag ang scientific explanation sa love (dahil hindi ko rin naman kaya), ang point ko lang, may scientific explanation di umano ito. So may makakapagsabing may pormula. Pero para sa akin, wala.

Dagdagan pa natin ang pagkontra ko sa sarili. Maski ka sa mga akdang pampanitikan, love story pocketbooks, kwento sa tabloid, palabas sa TV at sine, may pormula. Makikilala ng isang tao (kahit anong gender/age) ang isa pang tao; magkakaroon ng pagkakataon para hangaan ng isa ang isa; may conflict kahit papano; maoovercome o hindi ang conflict; happy/tragic ending o hanging ang kwento. Iba-iba ang detalye pero merong simula, gitna, at wakas. May pormula.

Pero para sa akin, wala.

Nagkakaroon ng expectations kapag may formula. Halimbawa, alam natin na kapag may gusto ang lalake sa isang babae, malaki ang tendency na manligaw ito. Hindi sa lahat ng pagkakataon pero malaking porsyento ang posibilidad. Alam natin na ganon ang simula. May manliligaw. May magsasabi ng ‘I like/love you.’ At kapag may sumagot ng ‘i like/love you, too,’ magtutuluy-tuloy na ang kwento.

Nakakatuwa lang kasi kahit may inaasahan na, parang bago pa rin lahat ng love story. Kahit iba-iba lang ng pangalan ang tauhan, kahit magkakaiba lang ng konti ang detalye, nakakakilig pa rin. Nakakatuwa kasi sa mga kwento, patok pa rin ang mga lines na ilang beses nang nasabi, iniba lang ng konti ang words at ang delivery.

Walang pormula dahil kung meron man, may paliwanag ang mga kakatwang pangyayaring ito. Paulit-ulit pero hindi nakakasawa.

(Napapahinto ako sa pagsusulat. Iniisip ko pa rin kung may sense ba ang pangangahas kong magsulat tungkol dito? Hehe. Pero, in fairness, kailan ba nagka-sense? At bakit kailangan magka-sense?)

At kung may pormula man, e di sana lahat kayang maabot ang happy endings nila.

(Bitter? Haha.)

Noong nakaraang linggo, iniisip ko isang teorya tungkol sa pag-ibig o pakikipagrelasyon.

Paghanga sa simula. Kapag nasundan ang unang pagkakataon ng paghanga at nagpatuloy ang pagdiskubre ng magagandang katangian ni tao1 kay tao2, nabubuo ang pagkagusto. Sa stage ng pagkagusto, mamimili si tao1 kung ipe-pursue nya si tao2. May conflict agad sa sarili. Itutuloy ba nya o hindi? May pag-asa ba siya o wala? May conflict agad kasi hindi lahat handang tumanggap ng rejection. Kahit sa anong bagay naman, masakit ang rejection. Nakakatibag ng kumpyansa sa sarili. Kapag nag-decide si tao1 na i-pursue ang nararamdaman, nagkakaroon naman ng conflict ka y tao2. Gusto ba nya si tao1? Sasagutin ba nya o hindi? Dahil sa panahon ng panliligaw, best foot forward ang nanliligaw, may tendency na makuha rin ni tao2 ang paghanga kay tao1. At dahil gagawa ng paraan si tao1 para lagi silang magkasama ni tao2, malamang na mabuo rin ang pagkagusto ni tao2 kay tao1. Sa stage na to, ideal pa lahat. Ideal ang image ng dalawang tauhan sa isa’t isa.

Pagpasok sa relasyon, doon na nadidiskubre ang real image. Hindi nauubos ang conflict sa sarili ng bawat tauhan. At habang patuloy na nalalagpasan ang mga conflict na ito, lalong lumalakas ang pagmamahal. Kapag sa kabila ng lahat, tanggap pa rin ni tao 1 si tao2 at ni tao2 si tao1, lalong tumitibay ang samahan nila. Syempre, may mga darating na tao3, tao4, at marami pang iba na hahangaan at gugustuhin nina tao1 at tao2. Pero iba pa rin ang level ng pagmamahal.

Ang galing. Ang saya sana. Kaso hindi naman lahat ganyan. Hindi lahat kayang paglabanan ang conflict sa sarili. Dahil bukod sa paghanga, mayroon ding paghahangad.

Bakit kailangang sagutin ni tao2 si tao1? Hindi ba niya pwedeng iparamdam ang pagmamahal nang hindi sinusuklian ni tao2 ang pagmamahal niya? Bakit kailangan may kapalit?

Ideally, ok lang dapat na wala. Dahil, ayon sa sangkaterbang script, ang genuine love ay unconditional. Pero meron din namang mga script na nagsasabing ang relasyon ay dapat two-way; bigayan. So ano ba talaga? Unconditional o reciprocal? Palagay ko pwede naman either of the two. Pero walang love story kung walang relasyon. At walang relasyong one-way. Kasi kahit papano, may paghahangad tayong mahalin rin.

Gaya nang pagkatakot sa rejection, masakit din ang mabalewala (kung hindi man synonimous ang dalawang terms na yun). Bago naisip ang kapakanan ni tao2, kapakanan muna ng sarili ni tao1 ang inisip niya. Gusto niya si tao2. Gusto niya. Niligawan niya, minahal niya, dahil gusto niya. Sinatisfy lang niya ang ‘gusto’ niya. Sarili. Paghahangad para sa sarili.

Ganon din naman si tao2. At mananatili silang ganon habang tumatagal ang kanilang relasyon. Mananatili lang sila sa relasyong iyon hanggang masaya pa sila sa isa’t isa. Hanggang kaya pang sagutin ang paghahangad nila para sa sarili.

Selfish? Hindi naman. Kasi tama rin naman na mahalin ang sarili. At hindi ko rin naman iginigiit na puro sarili lang. Ang sinasabi ko, sa sarili nagsisimula at sa sarili nagpapatuloy ang tunggalian.

Bakit may mga martir? Bakit may mga nagtitiis sa isang relasyon kahit hindi na sila masaya? Bakit may mga handang gawin lahat para sa kapareha?

Ewan. (hehe...suko na agad?!)

Basta alam ko, may iba pang aspekto. Gaya ng ‘nasanay na.’ Minsan, nakakapanlinlang din ang pag-ibig sa pagkasanay. Namimiss natin kasi may mga alaala tayong maganda. Kasi nasanay tayo na nandyan yung taong yun. Kasi nasanay na tayong gustuhin yung taong yun.

Mayroon din namang takot sa panghihinayang. Baka kasi, magbago pa yung sitwasyon. Baka maging prince charming pa si beast. Baka yun na pala ang soulmate at malaking panghihinayang kung pakakawalan. So kapit lang. Kapit hanggang kaya.

Nasaan na ba ko? Pinag-iisipan ko ang tungkol sa pag-ibig at pakikipagrelasyon pero parang negative yata lahat ng lumabas. Naniniwala rin naman akong may ‘one great love’ na nakalaan sa bawat tao. At hindi ba, maganda namang isipin yun? Hindi ba, maganda naman talagang maghintay ng happy ending? Hindi ba, kahit papano, pwede naman?

Pwede. Malamang pwede. Kasi ang mga love story naman sa nobela, TV, at sine ay naka-angkla din sa tunay na buhay. At meron naman talagang sa kabila ng lahat, hindi nawawala ang pagmahahal.

Ang point ko lang siguro, dahil napakalabo ng terminong ‘pag-ibig’ napaglilinlang ito sa ibang mga bagay. At madalas, nakakasakit na rin. Pero yun rin siguro ang tunay na pag-ibig. Kahit masakit, masaya pa rin. Minsan, nawawala nga mismo ang konsepto ng ‘sakit.’

(Haha. Bumalik din ako sa ideal love)

Pagbabalanse lang. Natural sa tao ang ‘maghangad’ ng mabuti para sa sarili. Pero mayroon namang lumalagpas sa paghahangad na ito. Yung tipong, hindi na lang sarili. Yung tipong dalawa na ang sarili. Si tao1 at tao2 ay nagiging isang tao na lang. At ang hangad ni tao1 ay hangad ni tao2, at vice versa. Siguro yun ang pag-ibig.

Siguro.

Nakakagulat kung paano na naman ako inanod ng mga ideya. Hindi ko rin yan naisip kanina bago magsimula. Kung tutuusin, malabo pa rin sa kin ang kahulugan ng ‘pag-ibig’ kaya hanggang ‘siguro’ lang ang conclusion ko. Pero kahit papano, nakakaaliw din mag-isip ng mga bagay na imposibleng ipaliwanag. Dahil hindi naman talaga dapat ipaliwanag.

Walang pormula ang pag-ibig dahil lagi’t laging trial and error ang pagsolve dito (kung nasosolve man).

No comments:

Post a Comment