Sunday, June 13, 2010

Happy Independence Day

Kadalasan kumikilos lang ang mga tao kapag nagigipit na: gagawa ng project kapag malapit na ang deadline, magrereview ilang minuto bago ang exam, magmamadali kapag malapit ng ma-late. Madalas nagagawa natin ang hindi nating akalaing kaya nating gawin para lang mapagtagumpayan ang ‘kagipitang’ hinaharap: hindi matutulog magdamag para tapusin ang project o para makapareview sa exam, kakayanin ng ilang minuto lang ang byahe para makarating nang hindi late. Nabibilib tayo sa sarili kapag nagagawa nating ‘makalusot.’ Minsan, ang yabang pa natin na kesyo, “hindi na nga ako natutulog,” na parang napakasipag natin. Pero kung tutuusin, may sapat na panahon. Hindi lang tayo kumilos agad kasi hindi pa natin nararamdaman ang ‘pagka-gipit.’

Ganoon din marahil ang sitwasyon natin bilang mga Pilipino. Nitong nakaraang Hunyo 12, araw ng kasarinlan, marami ang bumati ng “Happy Independence Day.” May mga commercial pa sa TV na nagpapakita ng iba’t ibang uri ng ‘kalayaang’ tinatamasa natin sa kasalukyan. Marami ang magsasabing malaya na tayo ngayon kumpara noon. Marami rin ang magsasabing hindi.

Una sa lahat, iba ang kalayaan sa kasarinlan. Ang kasarinlan ay kakayahang makapagsarili. Magkaroon ng sariling pamahalaan na magpapalakad sa isang bansa. Ang kalayaan ay mas kumplikadong bagay. Maaaring may sarili pamahalaan ang isang bansa pero nakagapos naman sa dikta ng pandaigdigang kalakalan para sa presyo ng mga bilihin, korapsyon sa loob ng gobyerno, at sa maling sistemang hindi na malabanan.

Kaugnay nang pagiging malaya o hindi, naaalala ko ang experiment sa isang palaka. Kapag nilagay ang palaka sa kumukulong tubig, malamang tatalon siya palabas. Pero kapag nilagay ang palaka sa maligamgam na tubig saka pinakuluan, hindi niya agad mararamdaman na unti-unti na siyang pinapatay. Bago pa siya makatalon palabas, nilagang palaka na siya.

Ganon din siguro tayo. Dati, may pisikal na pwersa. Hitsura pa lang ng mga Kastila, Amerikano, Hapon, at Metrocom na dala-dala ang kanilang mga armas, alam na natin na may ‘pang-gigipit.’ Ngayon, ineentertain pa tayo ng mga Koreano at Hapon, pinapamangha ng mga Amerikano, at lantarang binobola ng mga politiko. Walang pisikal na panggipit. Pero gaya ng palaka, nagiging nilagang Pilipino na tayo.

Disclaimer lang. Hindi ako racist. Wala akong sama ng loob sa mga Koreano, Hapon, Amerikano, at mayayaman, (sa mga politiko naman, hindi personal ang sama ng loob ko). Kung tutuusin, naaaliw din ako sa mga naiaambag nila sa kulturang Pilipino. Naging crush ko rin ang isa sa mga F4. Na-adik din ako sa mga anime. At ilang foreign films din ang napabilib talaga ko. Walang masama sa kanila. Hindi naman sila ang problema.

Ang problema, walang kumikilos kasi wala pang deadline.

Hindi ako nagmamarunong. Maski ako, ganito rin naman. Kung hindi pa deadline sa contest, hindi pa ko magsusulat (kaya ayun, laging talo), kung hindi pa deadline ng paper, hindi pa ko magpupuyat. Lahat halos nakaprogramang matapos nang sakto sa deadline. Kung tutuusin, pwede namang matapos nang mas maaga. Kung tutuusin, pwede namang gawin nang walang pressure.

Hindi ko rin alam ang solusyon. Balewala na alam ang problema kung wala namang maimumungkahing solusyon. Masasabihan mo ba ang palaka na tumalon mula sa tubig na pinapakuluan pa lang? (Buti kung magkaintindihan kayo) Sa atin, kahit alam na natin ang problema, wala tayong magawa. Hindi ko alam kung dahil gaya ko, tinatamad din tayo, o dahil hindi lang natin alam ang gagawin. O baka dahil akala natin, wala tayong kakayahan.

Pero kung kaya naman natin, kapag na-pressure na tayo.

So kailangan nating ma-pressure? Ewan. Mahirap din pag may pressure. Do or die na yun. Either ma-meet mo ang deadline o hindi ka makapagpasa. Pero kung sinubukang gawin bago ang deadline, kung magkamali man, pwede pang ulitin. Sayang. Sa dulo natin nararamdaman ang panghihinayang. Pag wala na tayong magagawa.

Pagbabago? Sa isang TV station, may advocacy sila. “Ako ang simula ng pagbabago.” Magandang advocacy. Pero ang weird lang. Kasi sa same station, may noontime show na ginagawang laruan ang mahihirap na kababayan para magmukhang dakila. Ipinapasiwalat ang lahat ng kahirapan at kahihiyan ng sariling kababayan para masabing nakakatulong sila. Bakit? Bakit kailangan pang mamahiya? Bakit kailangan pang paiyakin muna at gawing katatawanan bago abutan ng pera? At bakit aabutan ng pera? Pera na makakapagtawid ng gutom nila sa isang araw pero hinding-hindi makakapagpabuti ng kalagayan nila. Kung tutuusin napasama pa nga. Kapalit ng ilang libo, pinagmukha sila sa tanga sa buong mundo. Ayan ba ang simula ng pagbabago? Sayang ang advocacy. Nawawala ang bisa at sinseridad kung ang kabuuang pinanggalingan ay may bahid ng pagkukunwari. Para sa istasyon lang naman yun e. Dagdag ratings. Dagdag advertisements. Sayang.

Pero siguro lahat naman may bahid ng “personal interest.” Sa panahon ngayon, syempre sarili at sariling pamilya muna bago ang ‘bayan.’ Ang bigat masyado ng salitang ‘bayan.’ Parang para sa mga bayani lang. Masisisi ba natin ang mga isang kahig-isang tuka na unahin muna ang kakainin nila bago ang kung anumang pagbabago na nagpapangako ng mas mabuting buhay? Baka kung sakaling hindi sila magbenta ng boto, o hindi tumanggap ng suhol, o hindi sumunod sa maling sistema, tiyak na makakatulong sila sa pagbabago, pero hindi na nila maabutan pa yun dahil mamamatay sila sa gutom. Wala silang magagawa kundi buhayin ang mga sarili nila. Buhayin ang mga sarili natin. Ganito tayong lahat sa ilalim.

At ang mga nasa ibabaw? Uulitin ko, hindi ako galit sa mga mayayaman. Kasalanan ba nila na matatalino’t magagaling sila? Kasalanan ba ng isang tagapagmana na manahin ang ekta-ektaryang lupain ng angkan nila. Alangan namang ipamigay niya yun sa mahihirap. Paano naman yung mga anak niya at yung mga susunod pa dun. Hindi kasalanan ang pagiging mayaman. Hindi rin kasalanan ang paghahangad ng mabuting buhay para sa mga magiging anak at anak ng anak mo. Ang kasalanan ay ang kawalang kakuntetuhan. Ang pagiging gahaman.

Sabi sa sermon ng isang pari, greed is when you already don’t know what is enough. Napagtalunan na rin namin ng ex ko, ng kapatid ko, at ng tatay ko, ang tungkol sa sistema ng pagpapasahod. Giit nila, “hindi naman pwedeng pantay-pantay ang sahod ng boss at empleyado,” “mas mataas talaga ang sweldo ng gumagamit ng utak kaysa pisikal lang,” “kailangan may gumawa ng mga trabahong mababa at susunod-susunod sila sa boss.” Hindi ako magaling sa debate kaya simula pa lang, nakakalimutan agad ang point ko. (hehe. In short, talo). Tama naman e. Kaso tama pa rin ba na ang pagitan ng sweldo ng isang minimum wage earner sa isang boss ay milyon-milyon? Tama naman na hindi talaga pwedeng pantayin. Tama naman na may mga patakaran ang kumpanya para hindi naman sila malugi. Pero tama ba na ang mga patakarang ito ay sapilitang tatanggapin ng mga empleyado dahil wala naman silang ibang magagawa? Kahit hindi na sapat sa kanila. Kahit luging-lugi na. Kung tutuusin, hindi naman malulugi ang malalaking kumpanya kung itataas nang kaunti ang sweldo ng mga manggagawa. Marami nang pag-aaral dyan. Kung magbibigay ng sapat para makakain ng tatlong beses isang araw ang isang pamilya, makapagpaaral sa pampublikong paaralan ang mga anak, at may matirang pampagamot, hindi pa rin sila malulugi. Mababawasan nga lang ang kita nila. Pero sapat pa rin. Kaya naman e. Iniisip lang nang nasa itaas na malulugi sila kapag nabawasan na ang kita nila. Pero may ‘kita’ pa rin. Ang punto, bakit pa sila magnenegosyo kung hindi rin naman kikita ng malaki? Greed is when you already don’t know what is enough.

3rd page na. Hindi ko rin alam kung saan na ako inanod ng pagdagsa ng ideya at emosyon. Lahat naman ng sinasabi ko dito ay nasabi na nang maraming tao. At malamang alam na rin ng karamihan. Bakit ko pa nga ba inuulit? Nagbabakasakali akong makahanap ng solusyon kapag inilabas ko lahat ng sumusulpot na ideya sa utak ko. Kaso, wala pa rin e. Sa pressure at deadline pa rin babagsak.

Walang magbabago. Walang kikilos dahil wala tayong nararamdamang pressure. Pwede pa bukas dahil malayo pa naman ang deadline.

Napaka-pessimistic. Sabi ng iba, rebolusyon lang daw ang solusyon. Hindi ako naniniwala doon. Naniniwala akong pwede pa. Kung ideolohiya/pananaw ng mga tao umugat ang kawalang kalayaan, doon rin magmumula ang kalayaan. Siguro, kung paulit-ulit din nating ipapamulat ang totoong kalagayan at ang dapat gawin, baka makulitan na rin sila at pumayag.

Ano nga bang dapat gawin? (parang napakalabo ko lang, kanina ko pa sinasabing walang magagawa=) Unti-unti. Kumakapal ang mukha ng ilang mga politiko dahil todo ang mabuting pakikitungo natin sa kanila kahit alam nating lahat ng korap naman. Kapag nakatalikod, saka lang tayo magtsi-tsismis. Ganito ang sistema. Pero sa maliliit na sistemang ito pwede nating simulan. Hindi ko sinasabing wag natin silang irespeto. Igalang natin ang posisyon nila at gawin din natin ang ating trabaho bilang mamamayan. Wag puro reklamong patalikod. Harap-harapan tayong magtanong. Nakakatakot? Kung lahat ay magtatanong at lahat ay alam ang dapat nilang ipagtanong, palagay ko’y ang may itinatago ang matatakot.

Ang problema, hindi lahat ay alam ang dapat nilang ipagtanong. Kulang ang edukasyon. Kaya mas may responsibilidad ang mga nakakaalam na ibahagi ang nalalaman nila. At may pamamaraan din. Marahil hindi ang napakahabang sulating gaya nito. Marahil sa mga pamamaraang hindi parang nanenermon o nagtuturo. Naniniwala akong mas makikinig sila kung nakukuha ang interes nila. Saan? Sa mga palabas sa TV, sa mga tugtuog sa radyo, sa mga babasahing gaya ng pocketbooks, tabloids, at iba pa.

Kung hindi napapansin ng palaka na unti-unti nang kumukulo ang tubig, hindi rin niya mapapansin kung muli nating papalamigin.

Hindi ako nagmamarunong. Maaaring maraming mali sa mga pinagsasabi ko. At bakit nga ba ang nagsusulat ng ganito?

Noong nakaraang Sabado, Independence day nga. At noong binati ako ng Happy Independence day, napaisip ako kung anong kabuluhan ng mga salitang yun. Ang KJ ko naman kung hindi ko tatanggapin ang mga pagbati. At lalong ang ‘bitter’ ko kung magmamarunong ako para itanong ang mga nasa isip ko. Kaya dito na lang. kahit papano, dito masasabi kong malaya ako. At masaya akong maging malaya, kahit dito lang muna.

No comments:

Post a Comment